Huwebes, Hunyo 5, 2014

Halina't daigdig ay alagaan natin!


HALINA'T DAIGDIG AY ALAGAAN NATIN!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

pandaigdigang araw ng kapaligiran
ikalima ng Hunyo ang araw na iyan
araw na tayo'y pinaaalalahanan
paligid natin ay linisin, alagaan

sa dagat lulutang-lutang ang mga plastik
sa ilog, mga basura'y kahindik-hindik
hinayaang basura'y sa atin ang balik
sa basurang sinunog ay mapapahibik

ang maruming usok ay masakit sa baga
sa maruming kanal naglulungga ang daga
sa maruming lugar, langaw ay laksa-laksa
sa maruming paligid, tayo ang kawawa

sa ganitong lugar, magkakasakit tayo
tila tinamaan ng sanlibong delubyo
tila laksang langaw, inatake ang tao
bakit pinapayagang nangyayari ito?

puno'y pinutol, kinalbo ang kagubatan
tinapunan ng basura ang karagatan
nagbabago ang klima ng sandaigdigan
paano haharapin ang problemang iyan?

nukleyar, insinerador, maruming hangin
coal plant, minahan, dam, kayrami ng usapin
simula ngayon, anong dapat nating gawin?
halina't daigdig ay alagaan natin!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento