Lunes, Hunyo 30, 2014

Huwag paslangin ang mga puno

HUWAG PASLANGIN ANG MGA PUNO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

bakit papaslangin ang mga puno sa Makiling?
bakit punong walang sala'y kanilang papatayin?
mga punong tahanan ng ibon, na animo'y hardin
dugtong-buhay at salalayan ng sariwang hangin

tatlong-daang higit na puno'y mawawalang-buhay
na para sa ekoturismo'y tatanggaling tunay
patakaran bang ito'y wasto o talagang sablay?
na para sa ekoturismo, puno'y pinapatay!

bawat puno'y nilagyan ng numerong kulay pula
palatandaang yaon na ang kanilang sentensya
ang plano ng pamahalaan sa daigdig nila
higit limang kilometrong lumapad ang kalsada

mga puno'y tahimik na kinitil isa-isa
puno ang biniktima, kaya tao'y nagprotesta
anang madla, "sagipin ang puno! sagipin sila!
huwag hayaang paslangin ang angking buhay nila!"

nagkaisa ang taumbayan sa Bundok Makiling
hindi nila hinayaang mga puno'y kitilin
ang puno'y may buhay, punong tila kapatid natin
dapat itong sagipin laban sa mga salarin!

* Salamat sa ulat at litrato ng kasamang Victor Vargas, at may balita sa http://www.rappler.com/move-ph/ispeak/60830-murder-makiling-trees

Huwebes, Hunyo 5, 2014

Halina't daigdig ay alagaan natin!


HALINA'T DAIGDIG AY ALAGAAN NATIN!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

pandaigdigang araw ng kapaligiran
ikalima ng Hunyo ang araw na iyan
araw na tayo'y pinaaalalahanan
paligid natin ay linisin, alagaan

sa dagat lulutang-lutang ang mga plastik
sa ilog, mga basura'y kahindik-hindik
hinayaang basura'y sa atin ang balik
sa basurang sinunog ay mapapahibik

ang maruming usok ay masakit sa baga
sa maruming kanal naglulungga ang daga
sa maruming lugar, langaw ay laksa-laksa
sa maruming paligid, tayo ang kawawa

sa ganitong lugar, magkakasakit tayo
tila tinamaan ng sanlibong delubyo
tila laksang langaw, inatake ang tao
bakit pinapayagang nangyayari ito?

puno'y pinutol, kinalbo ang kagubatan
tinapunan ng basura ang karagatan
nagbabago ang klima ng sandaigdigan
paano haharapin ang problemang iyan?

nukleyar, insinerador, maruming hangin
coal plant, minahan, dam, kayrami ng usapin
simula ngayon, anong dapat nating gawin?
halina't daigdig ay alagaan natin!