Lunes, Disyembre 29, 2014

Ang Aklat na Philippine Native Trees 101

ANG AKLAT NA PHILIPPINE NATIVE TREES 101
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Philippine Native Trees 101: Up Close and Personal, makapal na aklat, umaabot ng 322 pahina. Maganda at makabuluhang aklat hinggil sa mga puno sa ating bansa. Makapal ang bawat pahina at makulay dahil bawat pahina'y may litrato ng mga puno. Habang binabasa ko ito ay nakita ko sa pahina nito ang punong kalumpit na pag umuuwi ako sa bayan ng tatay ko sa Batangas ay kumakain ako ng bunga nito, lalo na't ipinagpipitas kami nito ng aming mga kamag-anak. Ang bunga ng kalumpit animo'y duhat na kulubot at mamula-mula o kaya'y kulay abuhin. Puno rin pala ang Kalantas, na pangalan ng isang nayon sa Batangas, na ayon sa kwento ng ilang pinsan ko ay parang munting Tondo. Nang makita ko ang punong Betis, agad kong naalala ang isang lugar sa may Pampanga na maraming may apelyidong Bituin. At nakita ko na ang nagsulat ng artikulo hinggil sa Punong Betis ay isang Myrna M. Bituin, na marahil ay malayo kong kamag-anak.

Nagkaroon ako ng aklat na ito nang ako'y maging isa sa mga tagapagsalita sa Green SONA (State of the Nature Assessment) noong Agosto 28, 2012 sa Environmental Studies Institute (ESI) sa Miriam College sa Katipunan sa Lungsod Quezon. Taun-taon itong ginagawa ng iba't ibang grupong makakalikasan bilang pantapat sa SONA ng Pangulo ng Pilipinas. Ako ang nagsilbing kinatawan doon ng dalawang samahan, ang Saniblakas ng mga Aktibong Lingkod ng Inang Kalikasan (SALIKA), at Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML). Ang orihinal na pangalan ng SALIKA ay Saniblakas ng Inang Kalikasan, na nang lumaon ay naging Saniblakas ng mga Aktibong Lingkod ng Inang Kalikasan. Sa SALIKA ay tumatayo akong bise-presidente nito habang sa KPML naman, lalo na sa tsapter nito sa NCRR (National Capital Region-Rizal) ay isa akong edukador, mananaliksik, dyarista, at manunulat.

Gayunpaman, hindi tungkol sa mga puno ang aking talumpati kundi hinggil sa mga maralitang tinatanggalan ng bahay matapos ang bagyo o kalamidad. Katatapos lang nang panahong iyon ng pananalasa ng bagyong Gener ng Agosto 3 at ng Habagat ng Agosto 7 na araw sana na magaganap ang Green SONA 2012, ngunit ipinagpaliban dahil sa naganap na malakas na ulan at mga pagbaha. Pinamagatan ko ang talumpati ng "Kalagayan ng Maralita at ng Kalikasan". Nang matapos ang palatuntunan, lahat ng mga naging tagapagsalita ay binigyan ng token o regalo. Bawat isa sa amin ay nakatanggap ng aklat na Philippine Native Trees 101: Up Close and Personal, at isang puting tisert na may nakatatak na Green Convergence.

Naisip kong gawan ng tula at maikling kwento ang mga punong ito, at marahil isang libro ng mga tula't kwento ang aking magagawa balang araw hinggil sa mga puno at gubat sa ating bayan. Ito ang nadagdag sa aking mga adhikang dapat kong maisulat. Maraming salamat at nabigyan ako ng aklat na iyon, na kung di ako nagpursiging makadalo roon ay tiyak na malaking bahagi ng buhay ko ang nawala. Isang kayamanan na ang aklat na iyon para sa tulad kong manunulat at sa marami pang henerasyon sa hinaharap. Malaking isnpirasyon ang idinulot sa akin ng aklat na iyon.

Ang mga trumabaho upang maging ganap ang aklat na iyon ay ilang mga kasama sa grupong Green Convergence, na siyang nangangasiwa ngayon sa buwanang Kamayan para sa Kalikasan Forum. At sinabi nilang may balak pang magkaroon ng ikalawang aklat o Part Two. Ibig sabihin, ibang mga puno sa ating bansa na hindi nailagay sa unang aklat. Iniisip kong sana'y may maiambag ako sa aklat na iyon, na dapat kong pagsumikapan, lalo na't hindi naman ako lumaki sa lalawigan o kanayunan, kundi sa sementadong lungsod. Ang Green Convergence din ang pasimuno ng taun-taong Green SONA na isinasagawa matapos ang SONA ng pangulo.

Noong Pasko ng 2014, dahil wala akong maibigay sa nanay ko, iniregalo ko ang aklat na iyon sa aking mahal na ina. Kareretiro lang niya noong Setyembre 6, 2011, at pareho na silang retirado ng aking ama. Ibinigay ko iyon dahil madalas nang umuuwi sa aming bahay sa lalawigan ang aking mga magulang at tumututok sa pagtatanim. 

Dagdag pa roon ang ikinwento ng aking ina na nang dumatal ang bagyong Glenda, kung saan nag-iisa lang siya sa aming bahay sa lalawigan pagkat ang aking ama naman ay nasa aming bahay sa Maynila, kaytindi ng hampas ng hangin na halos nagwasak sa maraming tanim. Ngunit ang isang malaking puno sa aming bahay ay nanatiling matatag at hindi natumba matapos ang bagyo. Bagamat sa paligid niyon ay napakaraming punong ibinuwal ang bagyong Glenda. Ipinagpapasalamat ng aking ina na hindi nabuwal ang puno sa tabi ng aming bahay.

Kaya ang aklat na iyon ay isang makabuluhang regalo sa akin, na nasa pangangalaga na ngayon ng aking ina. 

Lunes, Hunyo 30, 2014

Huwag paslangin ang mga puno

HUWAG PASLANGIN ANG MGA PUNO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

bakit papaslangin ang mga puno sa Makiling?
bakit punong walang sala'y kanilang papatayin?
mga punong tahanan ng ibon, na animo'y hardin
dugtong-buhay at salalayan ng sariwang hangin

tatlong-daang higit na puno'y mawawalang-buhay
na para sa ekoturismo'y tatanggaling tunay
patakaran bang ito'y wasto o talagang sablay?
na para sa ekoturismo, puno'y pinapatay!

bawat puno'y nilagyan ng numerong kulay pula
palatandaang yaon na ang kanilang sentensya
ang plano ng pamahalaan sa daigdig nila
higit limang kilometrong lumapad ang kalsada

mga puno'y tahimik na kinitil isa-isa
puno ang biniktima, kaya tao'y nagprotesta
anang madla, "sagipin ang puno! sagipin sila!
huwag hayaang paslangin ang angking buhay nila!"

nagkaisa ang taumbayan sa Bundok Makiling
hindi nila hinayaang mga puno'y kitilin
ang puno'y may buhay, punong tila kapatid natin
dapat itong sagipin laban sa mga salarin!

* Salamat sa ulat at litrato ng kasamang Victor Vargas, at may balita sa http://www.rappler.com/move-ph/ispeak/60830-murder-makiling-trees

Huwebes, Hunyo 5, 2014

Halina't daigdig ay alagaan natin!


HALINA'T DAIGDIG AY ALAGAAN NATIN!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

pandaigdigang araw ng kapaligiran
ikalima ng Hunyo ang araw na iyan
araw na tayo'y pinaaalalahanan
paligid natin ay linisin, alagaan

sa dagat lulutang-lutang ang mga plastik
sa ilog, mga basura'y kahindik-hindik
hinayaang basura'y sa atin ang balik
sa basurang sinunog ay mapapahibik

ang maruming usok ay masakit sa baga
sa maruming kanal naglulungga ang daga
sa maruming lugar, langaw ay laksa-laksa
sa maruming paligid, tayo ang kawawa

sa ganitong lugar, magkakasakit tayo
tila tinamaan ng sanlibong delubyo
tila laksang langaw, inatake ang tao
bakit pinapayagang nangyayari ito?

puno'y pinutol, kinalbo ang kagubatan
tinapunan ng basura ang karagatan
nagbabago ang klima ng sandaigdigan
paano haharapin ang problemang iyan?

nukleyar, insinerador, maruming hangin
coal plant, minahan, dam, kayrami ng usapin
simula ngayon, anong dapat nating gawin?
halina't daigdig ay alagaan natin!

Linggo, Marso 23, 2014

Wala nang hininga ang mga puno

WALA NANG HININGA ANG MGA PUNO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

noon ay nabubuhay sila bilang puno
pahingahan ng ibon sa ilaya't hulo
sa gubat na tahanan ay walang siphayo
bawat puno'y malaya sa lahat ng dako

ngunit ngayon, puno'y nawalang isa-isa
pinagpapalakol, sila'y pinagkukuha
ginawang troso ng mga kapitalista
punong pinaslang, troso nang walang hininga

noon, puno silang nag-aalay ng lilim
at prutas sa mga dumanas ng panimdim
ngayon, mga puno'y dinapuan ng lagim
pinaslang ng mga nakangisi ng lihim

buhay nila'y tinapos, dumating ang sigwa
kayraming nasalanta, kawawa ang madla
walang sumanggalang sa dumatal na baha
mga punong naging troso'y walang nagawa

Lunes, Pebrero 17, 2014

Paghagulgol ng mga puno

PAGHAGULGOL NG MGA PUNO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ang mga puno'y kaytindi ng daing at hagulgol
kailan matitigil ang sa kanila'y pagputol?
sa pagkalbo ng kagubatan, sila'y tumututol
tanong sa atin: sa kanila ba'y ito ang hatol?

nais ng mga punong magprotesta nang tuluyan
magtungo sa Malakanyang kung kinakailangan
ngunit kung ang pangulo mismo'y walang pakialam
yaong pagputol sa kanila'y di mapipigilan

dagdag na tanong: anong dapat gawin nilang puno?
sila'y umalis sa gubat at tuluyang maglaho?
magbabalik lamang kung ang tao na'y nagtitino?
puno ba'y aalagaan, hahayaang lumago?

ang mga puno'y buháy, kuhanan ng makakain
pananggalang sa baha't unos, sa araw ay lilim
ngunit kung tingin sa puno'y troso ng mga sakim
kawawang puno, lagi na lang silang sisibakin