Martes, Disyembre 10, 2013

Kahoy na walang lilim


KAHOY NA WALANG LILIM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

wastong bilin sa Kartilya ng Katipunan:
ang buhay na di ginugol sa wastong dahilan
ay kahoy na walang lilim, di masilungan
sa gitna ng init ng araw, natalupan
dahil walang dangal na sa bayan maiwan

tinangay ni Yolanda yaong mga dahon
ng punong dumanas ng kaytinding daluyong
kayraming winasak ng dambuhalang alon
yaong matatag na puno'y naiwan doon
ulila sa gabing ang buwan ay nalulon

nakita'y sadyang nakadudurog ng puso
masa'y apektado, kayraming natuliro
tila mga pangarap, tuluyang naglaho
ngunit di dapat magpakubkob sa siphayo
mayp ag-asa pa, halina't kita'y tumayo

magsibangon tayo sa kabila ng lagim
ang buhay sa mundo'y di pulos puti't itim
makulay na buhay, atin ding masisimsim
mga bagong puno'y atin ngayong itanim
upang puno'y muling magkaroon ng lilim

* ang larawan ay kuha noong Disyembre 3, 2013 sa Brgy. Canramos, Tanauan, Leyte, na nakaranas ng daluyong ni Yolanda

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento