Lunes, Oktubre 12, 2009

Kalbong Bundok

KALBONG BUNDOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

wala nang puno sa may kabundukan
dahil kinalbo ng mga gahaman
mga ibon na'y walang madapuan
mga puno'y nawala nang tuluyan

pagkat kanila nang pinagpuputol
puno'y kalakal ang kanilang hatol
tubo yaong lakas na sumusulsol
hinahasa na ang mga palakol

lumubog ang lungsod dahil sa baha
kaya maraming taong nakawawa
lalo na yaong mga maralita
dukha na nga'y lalo pang naging dukha

kalbo na ang bundok, bundok na'y kalbo
pagkat winasak ng mga berdugo
pag bagyo'y dumating, agad delubyo
tao'y dahilan, kawawa ang tao

nang dahil sa tubo'y biglang nalugmok
pagkat niyakap ang sistemang bulok
produkto nila'y itong kalbong bundok
kaya taumbayan na'y nagmumukmok

sa lakas ng unos ay di mahigop
nitong mga punong dahop na dahop
pawang mga tubig ang sumalikop
sa mga taong di nito makupkop

kaya halina't magtanim na tayo
huwag pabayaang bundok ay kalbo
baka sakaling masagip pa nito
yaong tao kung muling may delubyo

halina't magtanim tayo ng puno
dahil sa kalikasan, di sa tubo
iwasan nang tayo'y maging maluho
at baka tayo'y tuluyang maglaho

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento