Miyerkules, Oktubre 28, 2009

Protesta ng mga Puno

PROTESTA NG MGA PUNO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

balak naming puno'y iprotesta kayo
pagkat kayo'y sadyang walang kwentang tao
pinatay nyo kaming unti-unti rito
kaya nadanas nyo ang mga delubyo

pinasok nyong pilit ang aming tahanan
at ginalugad ang buong kagubatan
sinibak nyo kami upang pagtubuan
ginawang mapanglaw ang aming tahanan

pinagpuputol nyo ang aming kapatid
mga kapwa puno habang kami'y umid
kayong mga tao'y pawang mga manhid
sa buhay na ito'y kayo ang balakid

ilan sa inyo ang sa delubyo'y saksi
at sino ang agad ninyong sinisisi
di ba't kalbong bundok, kalbong gubat, kami
kayong mga tao'y amin bang kakampi

pababayaan ba namin kayong tao
kahit itong gubat inyo nang kinalbo
wala kayong awa sa mga narito
ang dala nyo rito'y aming dyenosidyo

bakit kayong tao sa mundo'y nilalang
gayong ugali nyo'y pawang salanggapang
ang akala nyo ba kami'y nalilibang
sa mukha nyo gayong kayo'y mga hunghang

kailan pa kayo magpapakatino
at magkakaroon ng mabuting puso
tigilan nyo na ang pagpaslang ng puno
upang kalakalin at kayo'y tumubo

sa aming protesta kayo ang kawawa
di na masisipsip ang mga pagbaha
pagkat ang ginawa nyo'y kasumpa-sumpa
sa aming kapatid na puno at lupa

kaya nga bago pa mahuli ang lahat
ay inyong ayusin itong aming gubat
kahit ang ugnayan natin ay may lamat
pag ginawa'y agad ang aming salamat

ngunit kung ayaw nyong dinggin itong hiling
ay pababayaan na lang kayo namin
protesta na kami saan man abutin
kayong tao'y amin nang kakalabanin

Martes, Oktubre 27, 2009

Kagubatan, Alagaan

KAGUBATAN, ALAGAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

ang pagkawasak ng kagubatan
ay pagkalubog ng pamayanan
kaya dapat ang kapaligiran
at kalikasan ay alagaan
nating lagi nang may kaayusan

dapat tayo'y magkaisang-diwa
na tayo'y di dapat magpabaya
sa kagubatang puno ng banta
nasasa ating pangangalaga
ang gubat na dapat iaruga

putol na puno'y agad palitan
kalbong lupa'y agad nating tamnan
huwag magtapon sa kasukalan
ng mga basura't anupaman
gubat ay ating pangalagaan

Lunes, Oktubre 12, 2009

Kalbong Bundok

KALBONG BUNDOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

wala nang puno sa may kabundukan
dahil kinalbo ng mga gahaman
mga ibon na'y walang madapuan
mga puno'y nawala nang tuluyan

pagkat kanila nang pinagpuputol
puno'y kalakal ang kanilang hatol
tubo yaong lakas na sumusulsol
hinahasa na ang mga palakol

lumubog ang lungsod dahil sa baha
kaya maraming taong nakawawa
lalo na yaong mga maralita
dukha na nga'y lalo pang naging dukha

kalbo na ang bundok, bundok na'y kalbo
pagkat winasak ng mga berdugo
pag bagyo'y dumating, agad delubyo
tao'y dahilan, kawawa ang tao

nang dahil sa tubo'y biglang nalugmok
pagkat niyakap ang sistemang bulok
produkto nila'y itong kalbong bundok
kaya taumbayan na'y nagmumukmok

sa lakas ng unos ay di mahigop
nitong mga punong dahop na dahop
pawang mga tubig ang sumalikop
sa mga taong di nito makupkop

kaya halina't magtanim na tayo
huwag pabayaang bundok ay kalbo
baka sakaling masagip pa nito
yaong tao kung muling may delubyo

halina't magtanim tayo ng puno
dahil sa kalikasan, di sa tubo
iwasan nang tayo'y maging maluho
at baka tayo'y tuluyang maglaho

Mga Puno'y Ating Itanim

MGA PUNO'Y ATING ITANIM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

di tayo dapat mabuhay sa lagim
ng delubyong dahilan ng panindim
hangga't may araw pa't di pa dumilim
sari-saring puno'y ating itanim

tamnan natin ang nakakalbong bundok
mula sa paanan hanggang sa rurok
palitan na rin ang sistemang bulok
na sa dangal natin ay umuuk-ok

ang mga puno'y kaylamig sa mata
sa mga nakakakita'y kayganda
lalo na kung ito'y maraming bunga
na gamot sa gutom ng bawat isa

puno'y sisipsip sa tubig ng unos
kaya puno'y pananggalang ding lubos
at pambuhay din sa mga hikahos
kaya huwag hahayaang maubos

pagkat puno'y mainit na sa mata
ng nagnenegosyong kapitalista
tingin agad nila'y trosong pambenta
at 'dala ng puno'y malaking pera

nais nila'y ang kalbuhin ang gubat
imbes kunin lang ay kung anong sapat
wala nang puno sa gubat na salat
sa minsang unos ay nagiging dagat

kaharap nati'y panibagong hamon
nasa ating kamay yaong solusyon
magtanim na tayo ng puno ngayon
kung ayaw nating sa baha'y mabaon

bawat paraan ay ating isipin
nang kalikasa'y maaruga natin
pagtatanim ng puno'y ating gawin
para sa bukas ng lahat sa atin