Biyernes, Disyembre 25, 2009

Puno't Palakol

PUNO'T PALAKOL
ni greg bituin jr.
12 pantig

Mga puno'y kanilang pinapalakol
Silang sa buhay ng puno'y humahatol
Para tumubo'y kanilang pinuputol
Silang yaong utak ay tila ba gamol
Sana, palakol nila'y pumurol

Huwebes, Disyembre 24, 2009

Ang Bunga ng Kalumpit

ANG BUNGA NG KALUMPIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Taal akong tagalunsod ng Maynila, kasama
Kaya kapag sa lalawigan ako’y nakapunta
Kinawiwilihan ko ang sa mga puno’y bunga
Tulad ng prutas ng kalumpit sa nayon ni ama.

Kaya noong bata pa ako’y kanyang sinasama
Sa lalawigang Batangas na sinilangan niya
Doon pa lang sa bus ay kinasasabikan ko na
Ang pagtungo sa Balayang sinilangan ni Ama.

At pagsapit sa bahay na kinalakihan niya
Mga pinsan ko’y naroroon at nangungumusta
Tanong agad sa pinsan, “Kalumpit ba’y namunga na?”
At kung may bunga, magpipinsa’y agad mangunguha.

Bunga ng kalumpit ay tila duhat ang kapara
Ngunit di itim kundi abuhin ang kulay niya
Kung duhat ay makinis, kulubot naman ang bunga
Nitong kalumpit na sa puno’y aming pinanguha.

Nasasabik din sa kalumpit ang mahal kong ina
Di ko lang alam kung sa Antiqueng minulan niya
Sa lupain ng mga kamag-anak kong Karay-a
Ay may kalumpit ding sa lupa nila’y namumunga.

Ang kalumpit pag nginata’y mas malambot ang duhat
Kaya dapat na matibay ang ngipin mong pangkagat.

Miyerkules, Nobyembre 18, 2009

Lakad Laban sa Laiban Dam

LAKAD LABAN SA LAIBAN DAM
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Matatag na buto, resistensya, determinasyon. Ito ang puhunan ng mga nagmartsang katutubo at taumbayan, kasama ang inyong lingkod, sa 148-kilometrong aktibidad na tinaguriang "Lakad Laban sa Laiban Dam. Nagsimula ito sa bayan ng Gen. Nakar sa lalawigan ng Quezon, hanggang sa Maynila mula Nobyembre 4 hanggang 12, 2009.

Isa ako sa nakiisa sa mga nagmartsa laban sa Laiban Dam. Ngunit hindi ko ito naumpisahan dahil sa ikalawang araw na ako bumiyahe. Ako ang nag-iisang kinatawan na pinadala roon ng grupong FDC (Freedom from Debt Coalition) sa mahabang lakarang iyon. Ang KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralitang Lungsod) na kinabibilangan ko ay kasapi ng FDC. Natagpuan ko ang mga nagmamartsa sa Barangay Llavac, sa bayan ng Real sa lalawigan ng Quezon. Nagsimula akong magmartsa kasama nila kinabukasan na.

Kasama rin namin sa Lakad Laban sa Laiban Dam ang Save Sierra Madre Network (SSMN) ni Bro. Martin Francisco. Si Bro. Martin ang ang opisyal na photographer ng aktibidad na iyon. Kasama rin namin sa martsa ang may mahigit isang daang katutubong Dumagat at Remontados, magsasaka, kababaihan, manggagawang bukid at taong-simbahan. Nagmartsa rin kasama namin si Governor Nap ng mga Dumagat. Dito ko rin nakilala si Sister Bing ng SSMN na sa kalaunan ay nakasama ko sa Philippine Movement for Climate Justice at sa Green Convergence. Ang islogan namin sa martsa: Save Sierra Madre, Stop Laiban Dam! Sa martsang ito ko natutunan kung paano magnganga, na isang kultura ng mga Dumagat. Nalaman ko rin kung ano ang CADT (Certificate of Ancestral DomainTitle). Nagdagdag ito sa dati ko nang alam na OCT (Original Certificate of Title) at TCT (Trasfer Certificate of Title) na lagi naming napapag-usapan sa KPML, lalo na sa mga kaso sa palupa’t pabahay ng maralita.

Ngunit bakit sila nagmartsa, at bakit ako sumama? Isa itong kilos-protesta laban sa pagtatayo ng Laiban Dam. Ang planong pagtatayo ng Laiban Dam na may sukat na 28,000 ektarya ay magpapalikas sa 4,413 pamilya mula sa pitong barangay. Ang ligal na protektadong kagubatan na maraming endemiko't nanganganib mawalang nilalang (species) ay malulubog sa ilalim ng tubig bilang bahagi ng dam o imbakan ng tubig, kasama na ang lupaing ninuno ng tribung Dumagat at Remontados. Pinaaalala ng mga nagmartsa na baka maulit ang nangyaring pagkalubog sa baha at pagkalunod ng marami sa hilagang lalawigan ng Quezon noong Nobyembre 2004 pag nagkabitak at nawasak ang planong Laiban Dam.

Ang Laiban Dam ay itatayo sa Kaliwa Watershed ng Sierra Madre. Ang lagakang-tubig (watershed) na ito ay isang yamang-tubig na kinikilala ng grupong Haribon na Important Biodiversity Area.

Sino ang magbabayad sa isasagawang dam ng gobyerno, sa pamamagitan ng MWSS (Manila Water and Sewerage System)? Ang mismong mga residente ng Kalakhang Maynila (Metro Manila o National Capital Region). Tataas ang presyo ng tubig para lang mabayaran o maibalik ang gastos ng pagtatayo ng dam na may halagang nasa isang bilyong dolyar ($1B) na maaaring lumobo pa sa dalawang bilyong dolyar ($2B) dahil sa tagal ng paggawa at laki ng gastos. Nararapat lamang na iprotesta ito dahil apektado ang kalikasan, lalo na ang buhay, kinabukasan, at kultura ng higit na nakararami. Isa itong proyektong sisira sa ekosistema.

Para sa mga nagmartsa, may mas magandang alternatibong dapat gawin. Dapat muling ibalik at pasiglahin ang nakakalbo nang kagubatan sa lagakang-tubig sa Angat, Ipo, at La Mesa. Dagdag pa'y patindihin ang kampanya kontra pagtotroso (anti-logging), at muling pasiglahin ang naririyan pang mga lagakang-tubig tulad ng Wawa Watershed upang mapalaki ang daloy ng tubig. Isa ring payak at matipid na paraan ang pagbaba ng pangangailangan sa tubig sa pamamagitan ng pagpapahusay pa sa serbisyo ng Manila Water at Maynilad, at huwag nang isampa pa ang bayarin sa mga konsyumer hinggil sa mga natatapon at di nagagamit na tubig (water wastage).

Natulog kami ng ikalawang araw sa isang paaralang elementarya sa Llavac sa Real, Quezon, at pagkagising namin ng umaga ay nag-ehersisyo muna kami bago kumain at muling magmartsa. Bawat umaga ay ganuon ang ginagawa namin - ligo, ehersisyo, kain, pahinga kaunti, at lakad na naman. Ginawa naming kainan ang bao ng niyog. May sumasalo sa aming mga lugar na tinutulugan namin tuwing gabi. Nakatulog kami, halimbawa, sa parokya ng San Sebastian sa Famy, Laguna, sa Antipolo SAC (Social Action Center), sa Ateneo de Manila University, sa Caritas Manila. Dinaanan din namin, nanawagan at nagrali kami sa harap ng opisina ng DENR (Department of Environment and Natural Resources) at sa NCIP (National Commission for Indigenous Peoples). Doon na sa Caritas ang huli kong araw (Nobyembre 11), at bandang hapon ay nagpaalam na ako sa kanila, sa mga kaibigan kong katutubo, at mga kasama sa kilusang makakalikasan. Ang mga katutubo naman ay nagmartsa pa kinabukasan sa Malakanyang.

Lungsod Quezon
Nobyembre 16, 2009

Miyerkules, Oktubre 28, 2009

Protesta ng mga Puno

PROTESTA NG MGA PUNO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

balak naming puno'y iprotesta kayo
pagkat kayo'y sadyang walang kwentang tao
pinatay nyo kaming unti-unti rito
kaya nadanas nyo ang mga delubyo

pinasok nyong pilit ang aming tahanan
at ginalugad ang buong kagubatan
sinibak nyo kami upang pagtubuan
ginawang mapanglaw ang aming tahanan

pinagpuputol nyo ang aming kapatid
mga kapwa puno habang kami'y umid
kayong mga tao'y pawang mga manhid
sa buhay na ito'y kayo ang balakid

ilan sa inyo ang sa delubyo'y saksi
at sino ang agad ninyong sinisisi
di ba't kalbong bundok, kalbong gubat, kami
kayong mga tao'y amin bang kakampi

pababayaan ba namin kayong tao
kahit itong gubat inyo nang kinalbo
wala kayong awa sa mga narito
ang dala nyo rito'y aming dyenosidyo

bakit kayong tao sa mundo'y nilalang
gayong ugali nyo'y pawang salanggapang
ang akala nyo ba kami'y nalilibang
sa mukha nyo gayong kayo'y mga hunghang

kailan pa kayo magpapakatino
at magkakaroon ng mabuting puso
tigilan nyo na ang pagpaslang ng puno
upang kalakalin at kayo'y tumubo

sa aming protesta kayo ang kawawa
di na masisipsip ang mga pagbaha
pagkat ang ginawa nyo'y kasumpa-sumpa
sa aming kapatid na puno at lupa

kaya nga bago pa mahuli ang lahat
ay inyong ayusin itong aming gubat
kahit ang ugnayan natin ay may lamat
pag ginawa'y agad ang aming salamat

ngunit kung ayaw nyong dinggin itong hiling
ay pababayaan na lang kayo namin
protesta na kami saan man abutin
kayong tao'y amin nang kakalabanin

Martes, Oktubre 27, 2009

Kagubatan, Alagaan

KAGUBATAN, ALAGAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

ang pagkawasak ng kagubatan
ay pagkalubog ng pamayanan
kaya dapat ang kapaligiran
at kalikasan ay alagaan
nating lagi nang may kaayusan

dapat tayo'y magkaisang-diwa
na tayo'y di dapat magpabaya
sa kagubatang puno ng banta
nasasa ating pangangalaga
ang gubat na dapat iaruga

putol na puno'y agad palitan
kalbong lupa'y agad nating tamnan
huwag magtapon sa kasukalan
ng mga basura't anupaman
gubat ay ating pangalagaan

Lunes, Oktubre 12, 2009

Kalbong Bundok

KALBONG BUNDOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

wala nang puno sa may kabundukan
dahil kinalbo ng mga gahaman
mga ibon na'y walang madapuan
mga puno'y nawala nang tuluyan

pagkat kanila nang pinagpuputol
puno'y kalakal ang kanilang hatol
tubo yaong lakas na sumusulsol
hinahasa na ang mga palakol

lumubog ang lungsod dahil sa baha
kaya maraming taong nakawawa
lalo na yaong mga maralita
dukha na nga'y lalo pang naging dukha

kalbo na ang bundok, bundok na'y kalbo
pagkat winasak ng mga berdugo
pag bagyo'y dumating, agad delubyo
tao'y dahilan, kawawa ang tao

nang dahil sa tubo'y biglang nalugmok
pagkat niyakap ang sistemang bulok
produkto nila'y itong kalbong bundok
kaya taumbayan na'y nagmumukmok

sa lakas ng unos ay di mahigop
nitong mga punong dahop na dahop
pawang mga tubig ang sumalikop
sa mga taong di nito makupkop

kaya halina't magtanim na tayo
huwag pabayaang bundok ay kalbo
baka sakaling masagip pa nito
yaong tao kung muling may delubyo

halina't magtanim tayo ng puno
dahil sa kalikasan, di sa tubo
iwasan nang tayo'y maging maluho
at baka tayo'y tuluyang maglaho

Mga Puno'y Ating Itanim

MGA PUNO'Y ATING ITANIM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

di tayo dapat mabuhay sa lagim
ng delubyong dahilan ng panindim
hangga't may araw pa't di pa dumilim
sari-saring puno'y ating itanim

tamnan natin ang nakakalbong bundok
mula sa paanan hanggang sa rurok
palitan na rin ang sistemang bulok
na sa dangal natin ay umuuk-ok

ang mga puno'y kaylamig sa mata
sa mga nakakakita'y kayganda
lalo na kung ito'y maraming bunga
na gamot sa gutom ng bawat isa

puno'y sisipsip sa tubig ng unos
kaya puno'y pananggalang ding lubos
at pambuhay din sa mga hikahos
kaya huwag hahayaang maubos

pagkat puno'y mainit na sa mata
ng nagnenegosyong kapitalista
tingin agad nila'y trosong pambenta
at 'dala ng puno'y malaking pera

nais nila'y ang kalbuhin ang gubat
imbes kunin lang ay kung anong sapat
wala nang puno sa gubat na salat
sa minsang unos ay nagiging dagat

kaharap nati'y panibagong hamon
nasa ating kamay yaong solusyon
magtanim na tayo ng puno ngayon
kung ayaw nating sa baha'y mabaon

bawat paraan ay ating isipin
nang kalikasa'y maaruga natin
pagtatanim ng puno'y ating gawin
para sa bukas ng lahat sa atin