Lunes, Agosto 16, 2021

Paalala't palala na ang kalikasan

PAALALA'T PALALA NA ANG KALIKASAN

magtanim ng puno, paalala ng kalikasan
pagkat umuunti na ang gubat sa ating bayan
tara nang magtanim, palala na ang kalikasan
kung laging mawawalan ng puno sa kagubatan

kayrami nang nagpuputol ng malalaking puno
upang gawing troso't maging limpak-limpak na tubo
ang pangangalaga sa kalikasan ba'y naglaho
kaya malalaking gubat na'y nakalbo't natuyo

paalala lamang ang nariritong babasahin
upang ating mundo'y alagaan at unawain
lalo na ang kagubatang bihirang bisitahin
kaya nangyayari rito'y di natin napapansin

hanggang pagbabasa na lang tayo, basa nang basa
wala ring magawa kahit na natutunghayan pa
anong gagawin upang tumugon sa paalala
kung malayo ka sa kagubatang di mo makita

kahit lungsod man, paalalang ito'y itaguyod
maano't baka minsan ay mapalayo sa lungsod
nayakag magtanim ng puno sa bundok, kaylugod
kaysa walang magawa sa problema't nakatanghod 

- gregoriovbituinjr.
08.16.2021

Linggo, Marso 14, 2021

Maikling Kwento - May isang puno


MAY ISANG PUNO
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

May matandang salaysay na ikinukwento ng aking mga nuno na halos di ko na matandaan subalit parang ganito: Sa isang ilang na pook ay may isang namumungang puno, kung saan sinumang mapadaan doong manlalakbay ay nakakakain at nabubusog sa bunga nito. 

Anang nuno, "Basta kunin mo lang ang kaya mong kainin habang ikaw ay napaparaan doon patungo sa iyong pupuntahan. Madali kasing mabulok ang bunga pag hindi agad kinain." Maraming manlalakbay ang napapadaan sa ilang na pook na iyon at namimitas ng masarap na bunga sa nag-iisang puno, lalo na't kainitan ng araw ay doon na rin sila sumisilong at kumakain. Hanggang magpatuloy sila sa paglalakbay.

Kaya kilala ang punong iyon na nagbibigay ng ginhawa sa mga manlalakbay. Patuloy iyong namumunga sa anumang bahagi ng taon. Ibinibigay ng kalikasan sa sinumang tao ang pagkaing nakakatugon sa kanilang gutom.

Marami rin mangangaral ang naringgan ko ng matalinghagang kwentong ito noong kabataan ko. Hanggang mapag-isip ko, paano kaya kung  mayroong  mag-angkin ng iisang punong ito? Kaya naman dinugtungan ko ang kanilang kwento.

Isang araw, naisipan ng isang ganid at tusong manlalakbay na nakakabatid ng ginhawang dulot ng puno sa sinumang maparaan doon na angkinin ito at bakuran. At sinumang manguha ng bunga ng puno ay kailangang magbayad, kundi man bilhin ito sa kanya.

Samakatwid, inangkin niya't ginawang negosyo ang bunga ng punong sinasabi ng mga tao'y di nawawalan ng bunga.

Kaya ang nangyari, bawat manlalakbay na magdaan sa pook na iyon, na sa layo ng nilalakbay ay nagugutom at nais kumain ng libreng bungang bigay ng kalikasan, ay napipilitan nang bumili ng pagkaing bunga sa tusong manlalakbay upang maibsan ang kanilang gutom.

Yaong mga may di sapat na salapi ay hindi makabili ng bunga kaya nagpapatuloy na lang sa paglalakbay sa kabila ng nadaramang gutom. 

Yaong mga maralitang napapadaan lang ay di na rin makapitas ng bunga ng puno upang maipakain sana sa kanilang anak na nagugutom. 

Hanggang napagpasyahan ng mga manlalakbay na nakakaunawa sa kabaitan ng kalikasan sa kanila na sila'y makapag-usap-usap. 

Anang isang manlalakbay, "Dati ay nakakakain tayo ng bigay ng kalikasan, subalit ngayon ay inangkin iyon ng isang ganid para sa kanyang sariling kapakinabangan. Bigay iyon ng kalikasan sa bawat manlalakbay, subalit bakit niya iyon inangkin? Ah, pinaiiral niya ang sistemang walang dangal, ang magkamal ng limpak na salapi, at pagtubuan ang kalikasan."

Anang isa pa, "Ginawa niyang pribadong pag-aari ang kalikasan upang siya lang ang makinabang. Dapat tanggalin sa kamay ng iilan ang pag-aaring dapat ay para sa taumbayan upang lahat ay makinabang."

Nagsipag-aklas ang mga manlalakbay at binuwag ang bakod sa puno at dinakip ang tusong nangamkam ng puno at pinalayas ito. Napakabait pa nila't pinalayas lang ang sakim at hindi pinaslang.

Nang mabuwag na ang bakod, ang bawat manlalakbay na dumaan sa punong iyon ay nakakapitas na ng bunga, nabubusog at nakadarama ng ginhawa. Natatamasa nila ang libreng bungang bigay ng kalikasan.

Makalipas pa ang maraming taon, nagkaisa ang mga mamamayan sa pook na iyon na alagaan ang puno at protektahan iyon laban sa mga pusong ganid na nais ditong umangkin.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 1-15, 2021, pahina 18-19.

Linggo, Agosto 16, 2015

Protektahan natin ang kagubatan

POTEKTAHAN NATIN ANG KAGUBATAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

Ang kagubatan ay yaman ng bayan
Dapat natin itong pangalagaan.
Huwag payagang maging basurahan
O kaya’y gagawing isang minahan.
Dahil pag nasira itong tuluyan
Saribúhay ay maaapektuhan.
Ibon, hayop, ilahas na nilalang
At marami pa'y dito nananahan.
Magpasya tayo, mga kababayan
Huwag hayaang itong kagubatan
Ay mabiktima rin ng kasakiman
Ng iilan para pagkakitaan.
Dinggin itong payak na panawagan:
Protektahan natin ang kagubatan!

Martes, Agosto 11, 2015

Ang ipil at ang ipil-ipil

ANG IPIL AT ANG IPIL-IPIL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sa biglaang katawagan, tila iisa
ngunit dalawang punong sadyang magkaiba

isang malaking punungkahoy yaong ipil
maliit na punò naman ang ipil-ipil

kapwa punò itong tumutubo sa bansa
na karaniwang di napapansin ng madla

ang ipil ay madaling makilalang tunay
punong anong taas, matigas pa’t matibay

punong ipil, kung ikaw ay may agam-agam
ay Intsia bijuga ang ngalang pang-agham

ipil-ipil nama'y Laucaena glauca
na kilala ring punò ng santa elena

ipil-ipil ay ginagamit na panggatong
panggapi rin ito ng mga damong kugon

gamot ang balakbak, buto at ugat nito
kahoy nama'y ginagamit sa bahay kubo

sa alagang hayop, dahon nito'y pagkain
paboritong ipalamon sa guya’t kambing

kaya upang di malito'y tandaan sana
ang ipil at ipil-ipil ay magkaiba

Linggo, Agosto 9, 2015

Walang aksaya sa punong akasya


WALANG AKSAYA SA PUNONG AKASYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

akasya'y pangkaraniwang punò sa bansa
ang dulot nitong lilim ay nakatutuwa
sa tanghali'y may masisilungan ang madla
upang di magkasakit, buhay pa'y sumigla

abot ng walumpu't dalawang talampakan
samanea saman ang pangalang pang-agham
maraming tudling, may balakbak na magaspang
tila baga isang salakot na luntian

akasya’y kaylaking pakinabang sa tao
sariwang tuyong kahoy ay pakuluan mo
kasama'y balakbak at mga dahon nito
inumin mo't lunas na mabisang totoo

pag ang ugat naman nito'y pinakuluan
ay lunas na panlanggas sa kanser sa tiyan
dahong ibinabad sa tubig ay mainam
sa may tibi't sa pagdumi'y nahihirapan

sa ibang bansa man, kayraming tulong nito
sa Venezuela'y lunas sa sakit ng ulo
sa Colombia, ang bunga nito'y sedatibo
sa Indonesia'y nginangata yaong buto

kahoy ng akasya’y gamit din sa paglilok
inalkoholang katas nito'y tumetepok
ng mga mapanirang anay, pati bukbok
at káya rin umanong sugpuin ang lamok

ang bawat bahagi nitong punong akasya
sa tao'y malaking tulong kung alam nila
di lang lilim, lunas pa sa sakit ng masa
sadyang sa punong akasya'y walang aksaya

ngunit dapat tayong magtanim at magtanim
upang mga punong ito'y magsidami rin
sa kanya'y sanlaksang tulong ang masisimsim
ay huwag mo lang siyang laging sisibakin