Lunes, Nobyembre 28, 2011

Pagyakap sa puno

PAGYAKAP SA PUNO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nais kong yakapin ang isa nang matandang puno
sa panahong masama itong aking pakiramdam
bakasakaling manumbalik ang sigla ng dugo
at ang sakit na nadarama'y tuluyang maparam

Linggo, Hulyo 31, 2011

Panaghoy ng Punungkahoy


PANAGHOY NG PUNUNGKAHOY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

minsang kaylakas ng ihip ng hangin
habang mag-isa akong naninimdim
ang langit ay sinapol ko ng tingin
ang tanghaling tapat biglang nagdilim

hanggang marinig ko'y isang panaghoy
na tulad ng isang batang palaboy
pinakinggan ko yaong nginunguyngoy
nanaghoy pala'y isang punungkahoy

di na sumisilong ang mga ibon
pagkat lagas ang kanyang mga dahon
pinagpuputol pa ng mga maton
ang kanyang sanga't ginawang panggatong

panaghoy niya'y aking pinakinggan:
"mga bunga ko kahit bubot pa lang
pinipitas na't pinagtutubuan
imbes ito'y pahinuging tuluyan"

"kapatid na puno'y pinagsisibak
kita mong balat nila'y nagnanaknak
kalbo ng kagubatan ay kaylawak
sadya bang tao'y ganito ang balak"

"kaming puno'y marunong ding manimdim
galit namin sa tao'y kinikimkim
ni hindi man lamang sila magtanim
ng bagong punong ang handog ay lilim"

"kami'y inyong proteksyon sa pagbaha
na sumisipsip ng tubig sa lupa
kakampi nyo sa tag-araw at sigwa
kaya simulan nyo na ang magpunla"

"paghandaan ang anumang delubyo
mga puno'y agad itanim ninyo
nang may pananggalang kayo sa bagyo
sana, pakinggan nyo ang aking samo"

Lunes, Hunyo 6, 2011

Sa Araw ng Kapaligiran

SA ARAW NG KAPALIGIRAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

(Idineklara ng United Nations na World Environment Day ang Hunyo 5 ng bawat taon. Ang tema ngayong 2011 ay "Forests: Nature at your service".)

i.

busog sa usok ang mamamayan
lalo na doon sa kalunsuran
sira na ba ang kapaligiran?
ito ba'y masasagip ng bayan
upang di masira ng tuluyan?

naglipana ang maraming plastik
na sa basurahan nakasiksik
at sa karagatan inihasik
kaya dapat lang tayong umimik
at sa sulok ay di manahimik

maging seryoso tayo, kapatid
nangyayari'y dapat nating batid
makaharap ma'y mga balakid
ay maisaayos ang paligid
upang sa sakuna'y di mabulid

ii.

anong gagawin sa kagubatan
upang ito'y mapangalagaan
ibon pa ba'y may masisilungan?
masasagip ba nating tuluyan
sa pagkasira ang kakahuyan?

maraming puno'y ating itanim
huwag hayaang ito'y makimkim
ng mga may budhing maiitim
na tubo ang nasa pusong sakim
nang gubat ay di maging malagim

kaya nga dapat nating matalos
na gubat ay di dapat maubos
halina't tayo nang magsikilos
bago pa nila tayo maulos
at gubat ay kanilang makalos

Miyerkules, Hulyo 7, 2010

Hubad na Bundok

HUBAD NA BUNDOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

tanaw sa malayo ang kanyang kahubdan
hindi na matanaw ang kanyang kariktan
tanging nakikita'y ang pinagputulan
ang kahubdang ito'y kailan dadamtan

sibak dito, sibak doon ang nangyari
pinagtatagpas pa'y punong kaylalaki
kinalbo ang bundok, wala nang nalabi
kahit ibong dati'y dito humuhuni

walang mawawala kung tayo'y sumubok
kung ating dadamtan ang hubad na bundok
ngunit kapag puno'y lumago sa tuktok
huwag pabayaan sa mga dayukdok

mga salanggapang sa tubo'y biguin
tiyaking bundok na'y hindi wawasakin
tayo na’y magtanim, ating palaguin
ang hubad na bundok ay damitan natin

Biyernes, Disyembre 25, 2009

Puno't Palakol

PUNO'T PALAKOL
ni greg bituin jr.
12 pantig

Mga puno'y kanilang pinapalakol
Silang sa buhay ng puno'y humahatol
Para tumubo'y kanilang pinuputol
Silang yaong utak ay tila ba gamol
Sana, palakol nila'y pumurol

Huwebes, Disyembre 24, 2009

Ang Bunga ng Kalumpit

ANG BUNGA NG KALUMPIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Taal akong tagalunsod ng Maynila, kasama
Kaya kapag sa lalawigan ako’y nakapunta
Kinawiwilihan ko ang sa mga puno’y bunga
Tulad ng prutas ng kalumpit sa nayon ni ama.

Kaya noong bata pa ako’y kanyang sinasama
Sa lalawigang Batangas na sinilangan niya
Doon pa lang sa bus ay kinasasabikan ko na
Ang pagtungo sa Balayang sinilangan ni Ama.

At pagsapit sa bahay na kinalakihan niya
Mga pinsan ko’y naroroon at nangungumusta
Tanong agad sa pinsan, “Kalumpit ba’y namunga na?”
At kung may bunga, magpipinsa’y agad mangunguha.

Bunga ng kalumpit ay tila duhat ang kapara
Ngunit di itim kundi abuhin ang kulay niya
Kung duhat ay makinis, kulubot naman ang bunga
Nitong kalumpit na sa puno’y aming pinanguha.

Nasasabik din sa kalumpit ang mahal kong ina
Di ko lang alam kung sa Antiqueng minulan niya
Sa lupain ng mga kamag-anak kong Karay-a
Ay may kalumpit ding sa lupa nila’y namumunga.

Ang kalumpit pag nginata’y mas malambot ang duhat
Kaya dapat na matibay ang ngipin mong pangkagat.

Miyerkules, Nobyembre 18, 2009

Lakad Laban sa Laiban Dam

LAKAD LABAN SA LAIBAN DAM
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Matatag na buto, resistensya, determinasyon. Ito ang puhunan ng mga nagmartsang katutubo at taumbayan, kasama ang inyong lingkod, sa 148-kilometrong aktibidad na tinaguriang "Lakad Laban sa Laiban Dam. Nagsimula ito sa bayan ng Gen. Nakar sa lalawigan ng Quezon, hanggang sa Maynila mula Nobyembre 4 hanggang 12, 2009.

Isa ako sa nakiisa sa mga nagmartsa laban sa Laiban Dam. Ngunit hindi ko ito naumpisahan dahil sa ikalawang araw na ako bumiyahe. Ako ang nag-iisang kinatawan na pinadala roon ng grupong FDC (Freedom from Debt Coalition) sa mahabang lakarang iyon. Ang KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralitang Lungsod) na kinabibilangan ko ay kasapi ng FDC. Natagpuan ko ang mga nagmamartsa sa Barangay Llavac, sa bayan ng Real sa lalawigan ng Quezon. Nagsimula akong magmartsa kasama nila kinabukasan na.

Kasama rin namin sa Lakad Laban sa Laiban Dam ang Save Sierra Madre Network (SSMN) ni Bro. Martin Francisco. Si Bro. Martin ang ang opisyal na photographer ng aktibidad na iyon. Kasama rin namin sa martsa ang may mahigit isang daang katutubong Dumagat at Remontados, magsasaka, kababaihan, manggagawang bukid at taong-simbahan. Nagmartsa rin kasama namin si Governor Nap ng mga Dumagat. Dito ko rin nakilala si Sister Bing ng SSMN na sa kalaunan ay nakasama ko sa Philippine Movement for Climate Justice at sa Green Convergence. Ang islogan namin sa martsa: Save Sierra Madre, Stop Laiban Dam! Sa martsang ito ko natutunan kung paano magnganga, na isang kultura ng mga Dumagat. Nalaman ko rin kung ano ang CADT (Certificate of Ancestral DomainTitle). Nagdagdag ito sa dati ko nang alam na OCT (Original Certificate of Title) at TCT (Trasfer Certificate of Title) na lagi naming napapag-usapan sa KPML, lalo na sa mga kaso sa palupa’t pabahay ng maralita.

Ngunit bakit sila nagmartsa, at bakit ako sumama? Isa itong kilos-protesta laban sa pagtatayo ng Laiban Dam. Ang planong pagtatayo ng Laiban Dam na may sukat na 28,000 ektarya ay magpapalikas sa 4,413 pamilya mula sa pitong barangay. Ang ligal na protektadong kagubatan na maraming endemiko't nanganganib mawalang nilalang (species) ay malulubog sa ilalim ng tubig bilang bahagi ng dam o imbakan ng tubig, kasama na ang lupaing ninuno ng tribung Dumagat at Remontados. Pinaaalala ng mga nagmartsa na baka maulit ang nangyaring pagkalubog sa baha at pagkalunod ng marami sa hilagang lalawigan ng Quezon noong Nobyembre 2004 pag nagkabitak at nawasak ang planong Laiban Dam.

Ang Laiban Dam ay itatayo sa Kaliwa Watershed ng Sierra Madre. Ang lagakang-tubig (watershed) na ito ay isang yamang-tubig na kinikilala ng grupong Haribon na Important Biodiversity Area.

Sino ang magbabayad sa isasagawang dam ng gobyerno, sa pamamagitan ng MWSS (Manila Water and Sewerage System)? Ang mismong mga residente ng Kalakhang Maynila (Metro Manila o National Capital Region). Tataas ang presyo ng tubig para lang mabayaran o maibalik ang gastos ng pagtatayo ng dam na may halagang nasa isang bilyong dolyar ($1B) na maaaring lumobo pa sa dalawang bilyong dolyar ($2B) dahil sa tagal ng paggawa at laki ng gastos. Nararapat lamang na iprotesta ito dahil apektado ang kalikasan, lalo na ang buhay, kinabukasan, at kultura ng higit na nakararami. Isa itong proyektong sisira sa ekosistema.

Para sa mga nagmartsa, may mas magandang alternatibong dapat gawin. Dapat muling ibalik at pasiglahin ang nakakalbo nang kagubatan sa lagakang-tubig sa Angat, Ipo, at La Mesa. Dagdag pa'y patindihin ang kampanya kontra pagtotroso (anti-logging), at muling pasiglahin ang naririyan pang mga lagakang-tubig tulad ng Wawa Watershed upang mapalaki ang daloy ng tubig. Isa ring payak at matipid na paraan ang pagbaba ng pangangailangan sa tubig sa pamamagitan ng pagpapahusay pa sa serbisyo ng Manila Water at Maynilad, at huwag nang isampa pa ang bayarin sa mga konsyumer hinggil sa mga natatapon at di nagagamit na tubig (water wastage).

Natulog kami ng ikalawang araw sa isang paaralang elementarya sa Llavac sa Real, Quezon, at pagkagising namin ng umaga ay nag-ehersisyo muna kami bago kumain at muling magmartsa. Bawat umaga ay ganuon ang ginagawa namin - ligo, ehersisyo, kain, pahinga kaunti, at lakad na naman. Ginawa naming kainan ang bao ng niyog. May sumasalo sa aming mga lugar na tinutulugan namin tuwing gabi. Nakatulog kami, halimbawa, sa parokya ng San Sebastian sa Famy, Laguna, sa Antipolo SAC (Social Action Center), sa Ateneo de Manila University, sa Caritas Manila. Dinaanan din namin, nanawagan at nagrali kami sa harap ng opisina ng DENR (Department of Environment and Natural Resources) at sa NCIP (National Commission for Indigenous Peoples). Doon na sa Caritas ang huli kong araw (Nobyembre 11), at bandang hapon ay nagpaalam na ako sa kanila, sa mga kaibigan kong katutubo, at mga kasama sa kilusang makakalikasan. Ang mga katutubo naman ay nagmartsa pa kinabukasan sa Malakanyang.

Lungsod Quezon
Nobyembre 16, 2009