Sabado, Setyembre 5, 2026

Depinisyon nila ng progreso

DEPINISYON NILA NG PROGRESO

sinira ang kalikasan
minina ang kabundukan
kinalbo ang kagubatan
para raw sa kaunlaran

trato sa puno ay troso
kaya gubat na'y kinalbo
una'y negosyo, di tao
iyan umano'y progreso

nilagyan ng paliparan
iyan daw ang kaunlaran
ang nangyari'y palubugan
lubog sa baha ang bayan

ano nga ba ang progreso
kung di kasama ang tao
kung serbisyo na'y negosyo
kung sinira na ang mundo

- gregoriovbituinjr.
09.05.2026

Martes, Setyembre 1, 2026

Kahapon pa-Malolos

KAHAPON PA-MALOLOS
‎
‎pasya kong sa rali ay dumalo
‎at di basta matulog lang ako
‎sa bahay, naglakbay nang totoo
‎nang nasa loob, ipahayag ko
‎
‎alas-kwatro, matapos magbanlaw
‎lakad hanggang Edsa nang maginaw
‎sa bus carousel agad sumakay
‎sa Trinoma, P2P'y hinintay
‎
‎alas-sais nang dumating ang bus
‎naglakbay, narating ang Malolos
‎baha roon, ako'y pumanaog
‎sa pagkilos ay sadyang marubdob
‎
‎at iniwasan namin ang baha
‎nang maglakad kasama ang madla
‎ang galit nila'y mahahalata
‎sa programa ako'y nagsalita
‎
‎ikako'y mayroong paliparan
‎ngunit nangyayari'y palubugan
‎lubog sa baha ang mamamayan
‎galit ang mga taga-Bulacan
‎
‎kailan titigil ang korapsyon?
dahilan pa'y yaong reklamasyon!
‎sa mga nagtipon-tipon doon
suma‎saludo ako, padayon!
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎09.01.2026

Miyerkules, Agosto 19, 2026

Negosyo laban sa kalikasan

NEGOSYO LABAN SA KALIKASAN

Negosyo versus kapaligiran
Negosyante versus kalikasan
Dahil sa tubo, silang gahaman,
Sa kapwa ay walang pakialam

Serbisyo'y tinuring na negosyo
Kalikasa'y sinisirang todo
Iyang sistemang kapitalismo
Ay talagang perwisyong totoo.

Sinira ang bundok, kina-quarry
Lupa'y minimina ng salbahe
'Lang tugon sa climate emergency
Basta kumita lang, walang paki.

Katotohanang dapat tanggapin
Negosyo'y nangwawasak sa atin
Mga lupa't bundok minina rin
At katutubo'y pinalayas din

Tumingin ka sa paligid-ligid
Kalikasa'y kanilang nilubid
At kayraming sa gabi binulid
Pati buhay ng kapwa'y pinatid.

Nang dahil sa pagkamal ng tubo
Kalaban ng negosyo'y naglaho
Niyurak dangal ng katutubo
Inagaw pati lupang ninuno.

Kung nais mong tulungan talaga
Ang bayan, dapat tanggapin mo na:
Negosyo'y mapanira talaga
Upang bumundat, kumita sila.

Kung di mo ito kayang matanggap
Kalikasa'y di mo nililingap
Kapitalismong nagpapahirap
Ay kalabang sadyang mapagpanggap.

- gregoriovbituinjr.
08.19.2026

* mga litrato mula sa google

Sabado, Marso 7, 2026

Ang tatlo niyang punò

ANG TATLO NIYANG PUNÒ

natutunan niya noong siya'y bata pa
paanong pagtanim ng puno'y mahalaga
para sa kabuhayan ng kanyang pamilya
tulad ng alagang apitong, nara't mangga

iyon ang tatlo niyang punong pamana pa
ng di na niya naabutang lolo't lola
at inalagaan ng kanyang ama't ina
ang pangangalaga'y sa kanya naipasa

dahil sa sipag ng kanyang mga ninunò
mulâ binhi, tinanim, dinilig, lumagó
pamilya'y di nagutom, nanatiling buó
nakapag-aral sila't buhay ay nahangò

nabenta ang kahoy ng apitong at nara
punò ng mangga'y patuloy na namumunga
panibagong puno'y itinanim pa nila
para sa mga henerasyong susunod pa

- gregoriovbituinjr.
03.07.2026

* litrato mulâ sa larong Word Connect sa selpon

Sabado, Enero 31, 2026

Salamat sa Sagip Gubat Movement

SALAMAT SA SAGIP GUBAT MOVEMENT

binili ko man kaya mayroon
ng t-shirt, mahalaga'y ang misyon
sa ekolohikal na proteksyon
sa t-shirt man lang ay makatulong

wala na akong ambag, iyan lang
ang itaguyod ang kapakanan
ng kalikasan, kapaligiran
mapagmulat ang t-shirt na iyan

salamat sa Sagip Gubat Movement
ramdam kong naging kabahagi rin
ng kanilang layon at tungkulin
walâ man sa aktwal na gawain

subalit kung may pagkakataon
makikiisa ako sa misyon
dadalo ako sa bawat aksyon
para sa kapakanan ng nasyon

- gregoriovbituinjr.
01.31.2026

* makakabili ng tshirt sa kawing na: https://www.stumpfybestdeals.com/Sagip-Gubat-Movement 

Martes, Oktubre 28, 2025

Ang punò at ang dukhâ

ANG PUNÒ AT ANG DUKHÂ

putulin mo ang punò, may nananahang luluhà
paruparo, ibon, inakay na inaarugâ
tanggalan mo ng bahay, luluhà ang maralitâ
magulang, magkapatid, may tahanang mawawalâ

puno'y may ugat, sanga, bunga, dahong malalagô
sibakin mo't kalikasan ay tiyak manlulumò
bahay ay may ina, ama, anak, pamilyang buô
tanggalan mo ng bahay, baka dumanak ang dugô

pag nawalâ ang punò, babahain kahit bundok
tiyak guguho ang mga lupang magiging gabok
pag nawalan ng bahay, di iyon isang pagsubok
kundi ginipit ng mga mapaniil at hayok

ang punò at ang dukha'y para bagang magkapilas
na bahagi ng kalikasang iisa ang landas
idemolis mo't may dadanak na dugô at katas
kaya dapat asamin natin ay lipunang patas

- gregoriovbituinjr.
10.28.2025

Martes, Pebrero 4, 2025

Ang punong apalit

ANG PUNONG APALIT

Labing-isa Pahalang - ang tanong:
Puno na ginagawang pabango
Apalit ang lumabas na tugon
na kapangalan ng bayan ito

sa Pampanga, may bayang Apalit
baka doon iyon pinangalan
pagkat kayraming punong apalit
na kinabuhay ng mamamayan

tulad ng Calumpit sa Bulacan
bunga ng kalumpit ay malasa
nabatid ko iyon sa Balayan
sa Batangas, na tanim ng lola

kayraming pinangalan sa punò
tulad ng Apalit at Calumpit
na pangalan ay doon hinangò
kaya sa krosword, di na sumirit

- gregoriovbituinjr.
02.04.2025

* krosword mula sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 4, 2025, p.7
* apalit - punungkahoy (genus Santalum) na mabango, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 65

Miyerkules, Enero 4, 2023

Puno sa lungsod

PUNO SA LUNGSOD

anong sarap ng simoy ng hangin sa lungsod
sapagkat may mga puno, nakalulugod
tila baga hinahaplos ang aking likod
ng palad ng mutya, nakakawalang pagod

kung pupunuin ng puno ang kalunsuran
ay bubuti ang lagay ng kapaligiran
animo'y walang polusyong mararamdaman
dama'y ginhawa sa gitna ng kainitan

O, pagmasdan ang maaliwalas na langit
dahil mapuno, katamtaman lang ang init
walang mga duming sa kutis dumidikit
dahil sa puno, katawa'y di nanlalagkit

isang araw iyong dama mo'y inspirasyon
kaya magtanim ng puno'y isa nang misyon
di man masilayang tumubo ito ngayon
ito'y para sa susunod na henerasyon

- gregoriovbituinjr.
01.04.2023

* litratong kuha ng makatang gala sa Luneta noong Araw ni Rizal, 12.30.2022

Biyernes, Abril 1, 2022

Sa buwan ng Earth Day

SA BUWAN NG EARTH DAY

habilin sa simula ng buwan
ng Earth Day, ating pangalagaan
at linisin ang kapaligiran
para sa ating kinabukasan

ang paligid na'y kalunos-lunos
sa naglipanang plastik at upos
mga ito'y pag-isipang lubos
nang malutas at maisaayos

tara, gulay ay ating itanim
upang balang araw may anihin
mga puno ay itanim natin
na kung mamunga'y may pipitasin

huwag maabot, one point five degree
ang pag-iinit ng mundo, sabi
ng mga aghamanon, mabuti
at agham sa atin ay may silbi

mabuti kung gobyerno'y makinig
lalo't isyung ito'y pandaigdig
bayan ay dapat magkapitbisig
sumisira sa mundo'y mausig

mahigit dalawampung araw pa
at Earth Day ay sasalubungin na
araw na talagang paalala
protektahan ang tanging planeta

- gregoriovbituinjr.
04.01.2022

Martes, Marso 1, 2022

Makakalikasan para sa Senado

MAKAKALIKASAN PARA SA SENADO

para sa kalikasan ang dalawa'y tumatakbo
mga environmental advocates silang totoo
halina't tandaan ang pangalang ROY CABONEGRO
at DAVID D'ANGELO, kandidato sa Senado

si Roy Cabonegro ay matagal kong nakasama
sa isyung makakalikasan sa akin humila
Environmental Advocates Students Collective pa
samahan sa iba't ibang pamantasan talaga

si David D'Angelo ay minsan nang napakinggan
nang sa Partido Lakas ng Masa'y naimbitahang
plataporma'y ilahad bilang Senador ng bayan
zoom meeting iyon, tunay siyang makakalikasan

sa pagka-Senador ay atin silang ipagwagi
ang dalawang itong sa kalikasan ay may budhi
at kung maging Senador ay magsisilbing masidhi
sa taumbayan, sa kalikasan, na ating mithi

- gregoriovbituinjr.
03.01.2022

Linggo, Pebrero 27, 2022

Punong mangga

PUNONG MANGGA

ah, may punong mangga sa lungsod
na tanawing kalugod-lugod
sa dukhang mababa ang sahod
bagamat paligid ay bakod

malago na ang punong mangga
pagmasdan mo't kayraming bunga
aani'y tiyak na masaya
lalo kung ito'y mabebenta

halina't ating ipagdiwang
ang mga manggang manibalang
nang sa piging ng mga manang
na buntis ay may pakinabang

ngunit paano aanihin
upang buntis ay pasayahin
mga bunga'y ating sungkitin
kung may tulay man ay tawirin

mangga'y talupang unti-unti
nang di sumugat sa daliri
manggang hilaw pala ang susi
sa manang nating naglilihi

- gregoriovbituinjr.
02.27.2022
* litratong kuha ng makatang gala habang bumababa sa hagdanan ng MRT

Huwebes, Pebrero 24, 2022

Misyon ni Earthwalker

DI PA TAPOS ANG MISYON NI EARTHWALKER

di man niya hinahangaan si Luke Skywalker
o sinuman sa mga Jedi, maging si Darth Vader
sumusunod naman sa batas, di naging Jaywalker
ay naritong patuloy ang lunggati ni EarthWalker

dahil sa programang pangkalikasang pinasukan
facebook page na EarthWalker ay agad nilikha naman
upang sanaysay at tula hinggil sa kalikasan
ay sa EarthWalker mailathala, maging lagakan

ngunit sa programang iyon ako na'y maaalis
dahil lumiban ng tatlong buwan nang magkasakit
nagka-Covid, T.B., diabetes pa'y tinitiis
subalit EarthWalker ay nilalamnan pa ring pilit

konsepto'y nagmula nang mag-Climate Walk ang makata
kasama ng iba'y naglakad at nagtapos mula
Luneta hanggang Tacloban, lakaring anong haba
at muling naglakad sa isang malamig na bansa

patuloy ang pagkatha ng tula sa kalikasan
panawagang Climate Justice ay laging lakip naman
sa tula't sanaysay ang masa'y mapaliwanagan
pati na samutsaring paksang pangkapaligiran

hanggang ngayon, di pa tapos si EarthWalker sa misyon
hangga't may hininga, magpapatuloy pa rin iyon
sa gawaing pagtula't pagmumulat niyang layon
bilang handog sa mga susunod na henerasyon

- gregoriovbituinjr.
02.24.2022

Sabado, Pebrero 19, 2022

Luntiang lungsod

LUNTIANG LUNGSOD

asam ko'y luntiang kalunsuran
mapuno at masarap tirahan
may maayos na kapaligiran
maraming tanim ang kalikasan

kulay-lunti ang buong paligid
payapa ang kasama't kapatid
walang sa dilim ay binubulid
kapanatagan sa diwa'y hatid

mamamayan doo'y mahinahon
ang mga batas ay naaayon
hanging kaysarap, walang polusyon
basura'y sa tama tinatapon

lunti't walang pagsasamantala
ng tao sa tao, anong ganda
ng buhay ng mga magsasaka,
ng dukha't obrero, at iba pa

sa ganyang lungsod, sinong aayaw
kung di maalinsangaw ang araw
kung payapang mamuhay, gumalaw
kung paligid, malinis, malinaw

lipunang lunti at makatao
na ipinaglalabang totoo
sana'y makatahan sa ganito
sa lungsod na pinapangarap ko

- gregoriovbituinjr.
02.19.2022

Sabado, Pebrero 5, 2022

Sabi ng lola

SABI NG LOLA

sabi ng lola, pangalagaan ang kalikasan
dahil binibigay nito'y buhay sa santinakpan
tulad ng paglitaw ng ulan, ng araw at buwan
tulad ng hamog at ng simoy ng hanging amihan

sabi ng lola, sa paligid ay huwag pabaya
malaking bagay ang punong pananggalang sa baha
kaya kung puputulin ito'y daranas ng sigwa
tara, magtanim ng puno nang tayo'y may mapala

sabi pa ng lola, pabago-bago na ang klima
adaptasyon, mitigasyon, unawain, gawin na
paghandaan ang bagyong matindi kung manalasa
tulungan ang kapwa tao lalo na't nasalanta

sabi ng lola, huwag iwang basura'y nagkalat
nabubulok, di nabubulok, pagbukluring sukat
ang plastik at upos nga'y nagpapadumi sa dagat
ang ganitong pangyayari'y kanino isusumbat

sabi pa ng lola, tagapangalaga ang tao
ng kalikasan, ng nag-iisang tahanang mundo
huwag nating hayaang magisnan ng mga apo
ang pangit na daigdig dahil nagpabaya tayo

- gregoriovbituinjr.
02.05.2022

Sabado, Enero 29, 2022

Puno

PUNO

kailangan nating pinuno'y sa puno'y may puso
na naiisip ding ang puno'y di dapat maglaho
na dapat mga ito'y nakatanim, nakatayo
upang bundok at gubat ay di makalbo't gumuho

halina't tamasahin ang kanyang lilim at lihim
lalo't puno'y nagbibigay ng bungang makakain
nagbibigay rin ng sariwang hangin at oxygen
pananggalang sa baha, tubig nito'y sisipsipin

di ba'y kaysaya ng daigdig na maraming puno
kaysa lupaing walang puno't tila ba naglaho
matiwasay ang bansang may makataong pinuno
na prinsipyo'y makamasa't di alipin ng tubo

tara, sa maraming dako puno'y itanim natin
upang pag-iinit lalo ng mundo'y apulahin
mga kagubatan ay protektahan, palaguin
upang buhay at daigdig ay tuluyang sagipin

- gregoriovbituinjr.
01.29.2022

Biyernes, Enero 7, 2022

Puso

PUSO

nadaanan ko sa tindahan ng mga bulaklak
ang isang halamang anyong puso, nakagagalak
magandang tanawin sa mga naroong pinitak
ngayon lang nakita iyon, kaya ako'y nagkodak

lalo pa't nalalapit na ang Pebrero Katorse
ang Araw ng mga Puso, handog at pasakalye
habang malayo pa ang Setyembre Bente Nuwebe
na World Heart Day naman, alagaan ang pusong ire

kasama si misis nang makita'y halamang puso
sa mismong kaarawan niya habang sinusuyo
kaysarap masdan ng pusong tanim, nararahuyo
upang itanim din namin ito kahit sa paso

na araw-araw dapat lagi itong dinidilig
upang tuluyang mapalago ang iwing pag-ibig
katapatan ng pagmamahal sa bawat pagniig
at sa anumang paninibugho'y di palulupig

- gregoriovbituinjr.
01.07.2022

Huwebes, Setyembre 30, 2021

Sabaw ng buko

SABAW NG BUKO

at muli akong nakainom ng sabaw ng buko
upang linisin ang bituka't tumibay ang buto
anila, pinipigil nito ang sakit sa bato
may kalsyum, magnesyum, potasyum, posporus pa ito

itinuring ang sabaw nitong inuming pangmasa
mula sa puno ng niyog na napakahalaga
sa kalusugan ng mamamayan, ng iyong sinta
salitang agham ng niyog ay cocos nucifera

pag naubos ang sabaw ng buko'y may makakain
pang masarap na puting laman, iyong kakayurin
sa loob ng matigas na bao bago namnamin
sabaw ng buko pa'y gata sa maraming lutuin

tara, at kita'y magsihigop ng sabaw ng niyog
o buko upang pangangatawan nati'y lumusog
sabaw ng buko'y mula puno ng buhay, O, irog!
ang inumin ng masa habang mundo'y umiinog

- gregoriovbituinjr.
09.30.2021

Miyerkules, Setyembre 29, 2021

Ang gubat na katabi

ANG GUBAT NA KATABI

pinayagan akong lumabas upang magpainit
kung dati'y pulos kisame, nasilayan ko'y langit
mabuti raw ang init ng araw sa nagkasakit
na bitamina sa katawan kahit man lang saglit

at natitigan kong muli ang gubat na katabi
nitong bahay sa bundok, talagang nakawiwili
wala kasi sa kinalakhang lungsod ang ganiri
mapuno, tila ba mga Mulawin ay narini

nais kong puntahan ang madawag na kagubatan
subalit mag-ingat dahil baka may ahas diyan
na baka iyong maapakan, tuklawin ka niyan
tulad din ng ahas sa lungsod na dapat ilagan

kaysarap masdan ng punong hinahagkan ng ulap
na tila baga kakamtin mo ang pinapangarap
gubat na tahanan ng hayop at ibong mailap
may mga diwata rin kaya roong nangungusap?

- gregoriovbituinjr.
09.29.2021

Sabado, Setyembre 4, 2021

Sa puno ng potasyum

SA PUNO NG POTASYUM

doon sa puno ng saging, ako'y nakatingala
baka may malaglag na anting, anang matatanda
ngunit maraming makakasagupang lamanglupa
dapat ko raw maging handa, di man naniniwala

nakatingala ako doon sa puno ng saging
namunga ng isang buwig bagamat hilaw pa rin
huwag munang pitasin, ito muna'y pahinugin
sa puno, upang pag pinitas na'y masarap man din

narito ako sa lilim ng puno ng potasyum
pampatibay ng buto, anti-oxidants pa'y meron
mayaman sa bitamina C, B6 at magnesyum
kailangang magpalakas, ehersisyo sa hapon

dahil sa potasyum kaya saging ay kinakain
marami nito'y kailangan ng katawan natin
ilang araw pa't bunga nito'y mahihinog na rin
kaygandang panahon upang potasyum na'y kainin

- gregoriovbituinjr.
09.04.2021

Lunes, Agosto 16, 2021

Paalala't palala na ang kalikasan

PAALALA'T PALALA NA ANG KALIKASAN

magtanim ng puno, paalala ng kalikasan
pagkat umuunti na ang gubat sa ating bayan
tara nang magtanim, palala na ang kalikasan
kung laging mawawalan ng puno sa kagubatan

kayrami nang nagpuputol ng malalaking puno
upang gawing troso't maging limpak-limpak na tubo
ang pangangalaga sa kalikasan ba'y naglaho
kaya malalaking gubat na'y nakalbo't natuyo

paalala lamang ang nariritong babasahin
upang ating mundo'y alagaan at unawain
lalo na ang kagubatang bihirang bisitahin
kaya nangyayari rito'y di natin napapansin

hanggang pagbabasa na lang tayo, basa nang basa
wala ring magawa kahit na natutunghayan pa
anong gagawin upang tumugon sa paalala
kung malayo ka sa kagubatang di mo makita

kahit lungsod man, paalalang ito'y itaguyod
maano't baka minsan ay mapalayo sa lungsod
nayakag magtanim ng puno sa bundok, kaylugod
kaysa walang magawa sa problema't nakatanghod 

- gregoriovbituinjr.
08.16.2021