Biyernes, Abril 1, 2022

Sa buwan ng Earth Day

SA BUWAN NG EARTH DAY

habilin sa simula ng buwan
ng Earth Day, ating pangalagaan
at linisin ang kapaligiran
para sa ating kinabukasan

ang paligid na'y kalunos-lunos
sa naglipanang plastik at upos
mga ito'y pag-isipang lubos
nang malutas at maisaayos

tara, gulay ay ating itanim
upang balang araw may anihin
mga puno ay itanim natin
na kung mamunga'y may pipitasin

huwag maabot, one point five degree
ang pag-iinit ng mundo, sabi
ng mga aghamanon, mabuti
at agham sa atin ay may silbi

mabuti kung gobyerno'y makinig
lalo't isyung ito'y pandaigdig
bayan ay dapat magkapitbisig
sumisira sa mundo'y mausig

mahigit dalawampung araw pa
at Earth Day ay sasalubungin na
araw na talagang paalala
protektahan ang tanging planeta

- gregoriovbituinjr.
04.01.2022

Martes, Marso 1, 2022

Makakalikasan para sa Senado

MAKAKALIKASAN PARA SA SENADO

para sa kalikasan ang dalawa'y tumatakbo
mga environmental advocates silang totoo
halina't tandaan ang pangalang ROY CABONEGRO
at DAVID D'ANGELO, kandidato sa Senado

si Roy Cabonegro ay matagal kong nakasama
sa isyung makakalikasan sa akin humila
Environmental Advocates Students Collective pa
samahan sa iba't ibang pamantasan talaga

si David D'Angelo ay minsan nang napakinggan
nang sa Partido Lakas ng Masa'y naimbitahang
plataporma'y ilahad bilang Senador ng bayan
zoom meeting iyon, tunay siyang makakalikasan

sa pagka-Senador ay atin silang ipagwagi
ang dalawang itong sa kalikasan ay may budhi
at kung maging Senador ay magsisilbing masidhi
sa taumbayan, sa kalikasan, na ating mithi

- gregoriovbituinjr.
03.01.2022

Linggo, Pebrero 27, 2022

Punong mangga

PUNONG MANGGA

ah, may punong mangga sa lungsod
na tanawing kalugod-lugod
sa dukhang mababa ang sahod
bagamat paligid ay bakod

malago na ang punong mangga
pagmasdan mo't kayraming bunga
aani'y tiyak na masaya
lalo kung ito'y mabebenta

halina't ating ipagdiwang
ang mga manggang manibalang
nang sa piging ng mga manang
na buntis ay may pakinabang

ngunit paano aanihin
upang buntis ay pasayahin
mga bunga'y ating sungkitin
kung may tulay man ay tawirin

mangga'y talupang unti-unti
nang di sumugat sa daliri
manggang hilaw pala ang susi
sa manang nating naglilihi

- gregoriovbituinjr.
02.27.2022
litratong kuha ng makatang gala habang bumababa sa hagdanan ng MRT

Huwebes, Pebrero 24, 2022

Misyon ni Earthwalker

DI PA TAPOS ANG MISYON NI EARTHWALKER

di man niya hinahangaan si Luke Skywalker
o sinuman sa mga Jedi, maging si Darth Vader
sumusunod naman sa batas, di naging Jaywalker
ay naritong patuloy ang lunggati ni EarthWalker

dahil sa programang pangkalikasang pinasukan
facebook page na EarthWalker ay agad nilikha naman
upang sanaysay at tula hinggil sa kalikasan
ay sa EarthWalker mailathala, maging lagakan

ngunit sa programang iyon ako na'y maaalis
dahil lumiban ng tatlong buwan nang magkasakit
nagka-Covid, T.B., diabetes pa'y tinitiis
subalit EarthWalker ay nilalamnan pa ring pilit

konsepto'y nagmula nang mag-Climate Walk ang makata
kasama ng iba'y naglakad at nagtapos mula
Luneta hanggang Tacloban, lakaring anong haba
at muling naglakad sa isang malamig na bansa

patuloy ang pagkatha ng tula sa kalikasan
panawagang Climate Justice ay laging lakip naman
sa tula't sanaysay ang masa'y mapaliwanagan
pati na samutsaring paksang pangkapaligiran

hanggang ngayon, di pa tapos si EarthWalker sa misyon
hangga't may hininga, magpapatuloy pa rin iyon
sa gawaing pagtula't pagmumulat niyang layon
bilang handog sa mga susunod na henerasyon

- gregoriovbituinjr.
02.24.2022

Sabado, Pebrero 19, 2022

Luntiang lungsod

LUNTIANG LUNGSOD

asam ko'y luntiang kalunsuran
mapuno at masarap tirahan
may maayos na kapaligiran
maraming tanim ang kalikasan

kulay-lunti ang buong paligid
payapa ang kasama't kapatid
walang sa dilim ay binubulid
kapanatagan sa diwa'y hatid

mamamayan doo'y mahinahon
ang mga batas ay naaayon
hanging kaysarap, walang polusyon
basura'y sa tama tinatapon

lunti't walang pagsasamantala
ng tao sa tao, anong ganda
ng buhay ng mga magsasaka,
ng dukha't obrero, at iba pa

sa ganyang lungsod, sinong aayaw
kung di maalinsangaw ang araw
kung payapang mamuhay, gumalaw
kung paligid, malinis, malinaw

lipunang lunti at makatao
na ipinaglalabang totoo
sana'y makatahan sa ganito
sa lungsod na pinapangarap ko

- gregoriovbituinjr.
02.19.2022

Sabado, Pebrero 5, 2022

Sabi ng lola

SABI NG LOLA

sabi ng lola, pangalagaan ang kalikasan
dahil binibigay nito'y buhay sa santinakpan
tulad ng paglitaw ng ulan, ng araw at buwan
tulad ng hamog at ng simoy ng hanging amihan

sabi ng lola, sa paligid ay huwag pabaya
malaking bagay ang punong pananggalang sa baha
kaya kung puputulin ito'y daranas ng sigwa
tara, magtanim ng puno nang tayo'y may mapala

sabi pa ng lola, pabago-bago na ang klima
adaptasyon, mitigasyon, unawain, gawin na
paghandaan ang bagyong matindi kung manalasa
tulungan ang kapwa tao lalo na't nasalanta

sabi ng lola, huwag iwang basura'y nagkalat
nabubulok, di nabubulok, pagbukluring sukat
ang plastik at upos nga'y nagpapadumi sa dagat
ang ganitong pangyayari'y kanino isusumbat

sabi pa ng lola, tagapangalaga ang tao
ng kalikasan, ng nag-iisang tahanang mundo
huwag nating hayaang magisnan ng mga apo
ang pangit na daigdig dahil nagpabaya tayo

- gregoriovbituinjr.
02.05.2022

Sabado, Enero 29, 2022

Puno

PUNO

kailangan nating pinuno'y sa puno'y may puso
na naiisip ding ang puno'y di dapat maglaho
na dapat mga ito'y nakatanim, nakatayo
upang bundok at gubat ay di makalbo't gumuho

halina't tamasahin ang kanyang lilim at lihim
lalo't puno'y nagbibigay ng bungang makakain
nagbibigay rin ng sariwang hangin at oxygen
pananggalang sa baha, tubig nito'y sisipsipin

di ba'y kaysaya ng daigdig na maraming puno
kaysa lupaing walang puno't tila ba naglaho
matiwasay ang bansang may makataong pinuno
na prinsipyo'y makamasa't di alipin ng tubo

tara, sa maraming dako puno'y itanim natin
upang pag-iinit lalo ng mundo'y apulahin
mga kagubatan ay protektahan, palaguin
upang buhay at daigdig ay tuluyang sagipin

- gregoriovbituinjr.
01.29.2022

Biyernes, Enero 7, 2022

Puso

PUSO

nadaanan ko sa tindahan ng mga bulaklak
ang isang halamang anyong puso, nakagagalak
magandang tanawin sa mga naroong pinitak
ngayon lang nakita iyon, kaya ako'y nagkodak

lalo pa't nalalapit na ang Pebrero Katorse
ang Araw ng mga Puso, handog at pasakalye
habang malayo pa ang Setyembre Bente Nuwebe
na World Heart Day naman, alagaan ang pusong ire

kasama si misis nang makita'y halamang puso
sa mismong kaarawan niya habang sinusuyo
kaysarap masdan ng pusong tanim, nararahuyo
upang itanim din namin ito kahit sa paso

na araw-araw dapat lagi itong dinidilig
upang tuluyang mapalago ang iwing pag-ibig
katapatan ng pagmamahal sa bawat pagniig
at sa anumang paninibugho'y di palulupig

- gregoriovbituinjr.
01.07.2022