KASAYSAYAN NG ISANG PUNUNGKAHOY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
dati kang mabunga't malagong punungkahoy
mas matanda ka pa sa aking Tiyo Nonoy
dumating ang panahong dahon mo'y naluoy
dating ubod ng yaman, ngayon na'y palaboy
ang laki mo'y di mayakap ng limang tao
ang taas mo'y tila abot ng limang metro
di ka na nagbunga, tuluyan kang nakalbo
anila, wala nang pakinabang sa iyo
walang bunga, walang dahon, anong nangyari
panahong taglagas, kapara mo na'y poste
panahong tag-araw, walang lilim na saksi
tila ka na bangkay sa kadimlan ng gabi
dapat ka nang sibakin, sabi ng iilan
dapat ka lang lagariin, gawing upuan
dapat gawing troso't dalhin sa kalunsuran
limpak ang tubo sa punungkahoy na iyan
ang dating punungkahoy ay naging troso na
sinibak, nilagari, siya'y ibinenta
nakinabang sa kanya ang isang eskwela
doon ay naging lamesa, silya't pisara
sa lupang iniwan ay may tumubong bago
taon ang lilipas upang lumago ito
at magbigay-bunga't lilim sa mga tao
buhay ng punong kahoy sa mundo'y ganito