SA ARAW NG KAPALIGIRAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod
(Idineklara
ng United Nations na World Environment Day ang Hunyo 5 ng bawat taon.
Ang tema ngayong 2011 ay "Forests: Nature at your service".)
i.
busog sa usok ang mamamayan
lalo na doon sa kalunsuran
sira na ba ang kapaligiran?
ito ba'y masasagip ng bayan
upang di masira ng tuluyan?
naglipana ang maraming plastik
na sa basurahan nakasiksik
at sa karagatan inihasik
kaya dapat lang tayong umimik
at sa sulok ay di manahimik
maging seryoso tayo, kapatid
nangyayari'y dapat nating batid
makaharap ma'y mga balakid
ay maisaayos ang paligid
upang sa sakuna'y di mabulid
ii.
anong gagawin sa kagubatan
upang ito'y mapangalagaan
ibon pa ba'y may masisilungan?
masasagip ba nating tuluyan
sa pagkasira ang kakahuyan?
maraming puno'y ating itanim
huwag hayaang ito'y makimkim
ng mga may budhing maiitim
na tubo ang nasa pusong sakim
nang gubat ay di maging malagim
kaya nga dapat nating matalos
na gubat ay di dapat maubos
halina't tayo nang magsikilos
bago pa nila tayo maulos
at gubat ay kanilang makalos