LAKAD LABAN SA LAIBAN DAM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Matatag
na buto, resistensya, determinasyon. Ito ang puhunan ng mga nagmartsang
katutubo at taumbayan, kasama ang inyong lingkod, sa 148-kilometrong
aktibidad na tinaguriang "Lakad Laban sa Laiban Dam. Nagsimula ito sa
bayan ng Gen. Nakar sa lalawigan ng Quezon, hanggang sa Maynila mula
Nobyembre 4 hanggang 12, 2009.
Kasama
rin namin sa Lakad Laban sa Laiban Dam ang Save Sierra Madre Network
(SSMN) ni Bro. Martin Francisco. Si Bro. Martin ang ang opisyal na
photographer ng aktibidad na iyon. Kasama rin namin sa martsa ang may
mahigit isang daang katutubong Dumagat at Remontados, magsasaka,
kababaihan, manggagawang bukid at taong-simbahan. Nagmartsa rin kasama
namin si Governor Nap ng mga Dumagat. Dito ko rin nakilala si Sister
Bing ng SSMN na sa kalaunan ay nakasama ko sa Philippine Movement for
Climate Justice at sa Green Convergence. Ang islogan namin sa martsa:
Save Sierra Madre, Stop Laiban Dam! Sa martsang ito ko natutunan kung
paano magnganga, na isang kultura ng mga Dumagat. Nalaman ko rin kung
ano ang CADT (Certificate of Ancestral DomainTitle). Nagdagdag ito sa
dati ko nang alam na OCT (Original Certificate of Title) at TCT (Trasfer
Certificate of Title) na lagi naming napapag-usapan sa KPML, lalo na sa
mga kaso sa palupa’t pabahay ng maralita.
Ang
Laiban Dam ay itatayo sa Kaliwa Watershed ng Sierra Madre. Ang
lagakang-tubig (watershed) na ito ay isang yamang-tubig na kinikilala ng
grupong Haribon na Important Biodiversity Area.
Sino
ang magbabayad sa isasagawang dam ng gobyerno, sa pamamagitan ng MWSS
(Manila Water and Sewerage System)? Ang mismong mga residente ng
Kalakhang Maynila (Metro Manila o National Capital Region). Tataas ang
presyo ng tubig para lang mabayaran o maibalik ang gastos ng pagtatayo
ng dam na may halagang nasa isang bilyong dolyar ($1B) na maaaring
lumobo pa sa dalawang bilyong dolyar ($2B) dahil sa tagal ng paggawa at
laki ng gastos. Nararapat lamang na iprotesta ito dahil apektado ang
kalikasan, lalo na ang buhay, kinabukasan, at kultura ng higit na
nakararami. Isa itong proyektong sisira sa ekosistema.

Natulog
kami ng ikalawang araw sa isang paaralang elementarya sa Llavac sa
Real, Quezon, at pagkagising namin ng umaga ay nag-ehersisyo muna kami
bago kumain at muling magmartsa. Bawat umaga ay ganuon ang ginagawa
namin - ligo, ehersisyo, kain, pahinga kaunti, at lakad na naman. Ginawa
naming kainan ang bao ng niyog. May sumasalo sa aming mga lugar na
tinutulugan namin tuwing gabi. Nakatulog kami, halimbawa, sa parokya ng
San Sebastian sa Famy, Laguna, sa Antipolo SAC (Social Action Center),
sa Ateneo de Manila University, sa Caritas Manila. Dinaanan din namin,
nanawagan at nagrali kami sa harap ng opisina ng DENR (Department of
Environment and Natural Resources) at sa NCIP (National Commission for
Indigenous Peoples). Doon na sa Caritas ang huli kong araw (Nobyembre
11), at bandang hapon ay nagpaalam na ako sa kanila, sa mga kaibigan
kong katutubo, at mga kasama sa kilusang makakalikasan. Ang mga katutubo
naman ay nagmartsa pa kinabukasan sa Malakanyang.
Lungsod Quezon
Nobyembre 16, 2009