Sabado, Pebrero 9, 2008

Pagkasira ng kalikasan: isang historikal na pagtingin

PAGKASIRA NG KALIKASAN
Isang Historikal na Pagtingin
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Walang makapagsasabi kung kailan nagsimulang mawasak ng unti-unti ang kapaligiran. Maari nating sabihin na nagsimula ang pagkawasak na ito simula nang magkaroon ang tao ng kamalayan na may problema sa ekosistema nang may marami nang namamatay at nasasalanta (hindi dahil sa kalamidad kundi dahil sa kagagawan ng tao.) Ngunit sa wari ko, bago pa malaman ng tao na nasisira na ang kapaligiran at ang ating likas na yaman, ito ay unti-unti nang nasisira.

Ngunit ang matinding pagkasira ng mga bahagi ng kapaligiran ay nito lamang ika-20 siglo. Ito ang panahon kung saan maraming imbensyong imbes na makatulong sa tao at sa kabuuan ng sandaigdigan ay nagkus nakapipinsala pa ng kapaligiran. Bagamat hindi natin sinasabi na ang karamihan ng mga imbensyon ng tao ay mapangwasak (sapagkat marami rin ang nakatutulong), karamihan sa mga ito ay karumal-dumal, gaya ng pag-imbento ng mga bombang nukleyar at iba pang armas-pandigma. Ang mga imbensyong pamuksa na ito ay bunsod ng taimtim nilang pagkilala sa pribadong pag-aari upang magkamal pa ng malaking tubo. Bakit at paano? Para sa mga kapitalistang bansa na halos sakupin na ang buong mundo (nangyayari na ito, lalo na ngayong panahon ng globalisasyon), hindi na baleng mamatay ang kanilang kapwa basta't malaki ang kanilang tutubuin at kikilalanin ang kapangyarihan ng kanilang bansa. Ang mga armas nukleyar ay maaari nilang gamiting panakot sa negosasyon at pananggalang sa sariling interes. Kung tutuusin, ang mga nuclear weapons na ito ay basura kung ituring ng mga mapagmahal at mapag-alaga sa kalikasan at kapaligiran. Ganyan katindi ang sistema ng pribadong pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon o kapitalistang sistema. Alalahanin sana natin ang Three Mile Islands accident at ang Chrenobyl incident noong 1986 kung saan nagkaroon ng leak ang mga nuclear facilities ng Russia at milyong tao ang naapektuhan.

Sa kabilang banda at sa isang mababaw na analisis, ang isang taong nagtapon ng basura sa labas ng kanyang bakuran ay nakapag-ambag sa karumihan ng kapaligiran dahil para sa kanya, hindi na niya sakop iyon. Wala siyang pakialam kung makabara man iyon sa kanal na maaaring maging sanhi ng pagbaha sa tikatik na ambon lamang. Ngunit kung wala ang konsepto ng pribadong pag-aari sa kanyang pag-iisip at bagkus ay tinitingnan niya ang kapaligiran at kalikasan bilang pag-aari ng lahat kaya't dapat pangalagaan, ang basura niya at tiyak na itatapon siya sa dapat pagtapunan.

Ang pagkakalat ng mga insustriya ng kanilang waste material sa mga ilog (wala nang nabubuhay kahit isda dahil sa tindi ng pagkalason ng ilog) ay senyales na wala silang pakialam sa mga mamamayan basta't kumita lamang ang kanilang negosyo.

Tingnan natin ang konteksto sa Pilipinas. Isinulat ni Graciano Lopez Jaena noong panahon ng mga Kastila na ang Pilipinas ay sagana sa mga puno at kagubatan. Inilarawan din niya na kayang suportahan ng Pilipinas ang buong mundo sa kahoy. Ibig sabihin, mayabong pa ang ating mga kagubatan noon at hindi nakakalbo gaya ngayon. Marami ding mapag-aral sa kasaysayan ang nagsasabi na malaki ang naiambag ang organisadong relihiyon sa pagkasira ng kalikasan. Ayon sa kanila, bago pa dumating ang mga mananakop sa ating bansa, ang mga tribu o ang mga katutubo rito ay mapagmahal at mapagbantay sa kalikasan. Meron silang pagkakaisa at itinuturing nila ang bawat bagay sa kanilang paligid bilang kapamilya nila. Ito 'yung panahon ng primitibo komunal, ika nga ni Marx.

Ang tingin ng mga katutubo sa mga puno, ilog, atbp. ay mga nilalang din na may karapatang mabuhay. Ngunit ito'y hindi nila sinasamba, kundi itinuturing nilang kapwa rin nila may buhay. Kung tutuusin, nasa fifth level of consciousness na sila sa pagtingin sa kalikasan. Samantalang ang sustainable development (SD) na ipinangangalandakan ngayon sa iba't ibang NGO ay maituturing pa ring nasa first level of cosciousness pa lamang dahil ang tema pa rin nito ay survival. Sa SD, hindi pa rin nahihiwalay ang pagtingin ng kapitalista, halimbawa, sa puno. Ito'y isa lamang gamit. Ito'y hindi na TREE kundi LOG na pambenta para makapag-survive at masustenahan ang kanyang mga pangangailangan. Ganyan kasi mag-isip ang kapitalista. Bata pa lang ang puno, may presyo na. Para kang sinukatan ng kabaong samantalang buhay na buhay ka pa at malakas.

Sa mga tribu noon, ang tingin nila sa kalikasan ay sagrado na kahit hanggang ngayon ay umiiral pa rin sa ibang mga tribu na hindi napasukan ng westernized capitalist culture. Nuong dumatin ang mga puting unggoy, este, mga dayuhang mananakop pala, at sinakop ang ating lupain, ginamit nila ang espada't krus upang palaganapin ang kanilang relihiyon. Itinuro nila sa mga katutubo rito na hindi nila dapat sambahin ang mga puno at bagkus ay sambahin nila ang tunay na diyos na nakaukit sa kahoy. (Ang kahoy ay nanggaling sa puno!) Dito na nagsimula ang pagtingin nila sa kalikasan bilang gamit at hindi na bilang kapatid na may karapatang mabuhay. Ini-alienate ng mga mananakop ang mga katutubo sa kanyang sarili.

Ito ang nakasaad sa isang libro ng Democratic Socialist Party (DSP) ng Australia na tumatalakay sa kalikasan, "The law of profit doesn't care for the law of nature." (Ang batas ng tubo ay walang pakialam sa mga batas ng kalikasan.) Ibig sabihin, kung ang prayoridad ng isa ay ang kanyang tutubuin, wala na siyang pakialam sa kalikasan, ito man ay masira. Pero kung tutuuisn, nag-iisip din naman ang mga kapitalista ng solusyon sa pagkasira ng kalikasan, dahil baka naman daw masira ang pagkukuhanan nila ng mga hilaw na materyales. Haaay, buhay nga naman!!!